Nagbabala ang environmental advocacy group na Ban Toxics laban sa posibleng panganib sa kalusugan at kalikasan dulot ng umano’y pagpasok ng 234 container ng electronic waste at isang container ng plastic waste mula sa Estados Unidos na dumating sa Subic.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Tony Dizon, campaigner ng Ban Toxics, na mariing kinokondena ng Environmental Task Force Against Illegal E-Waste Imports to the Philippines (END E-WASTE IMPORTS) ang naturang shipment dahil itinuturing na hazardous waste ang electronic waste o e-waste.

Ayon kay Dizon, nananatiling tutol ang kanilang grupo sa pagpasok ng ganitong uri ng basura sa bansa kahit pa may mga nagsasabing legal ang shipment.

--Ads--

Ipinaliwanag niya na bagama’t hindi kabilang ang Estados Unidos sa mga bansang lumagda sa Basel Convention, itinuturing pa ring iligal ang ganitong uri ng shipment batay sa umiiral na mga internasyonal na kasunduan at regulasyon na sinusunod ng Pilipinas.

Nagpahayag din siya ng pagkabahala sa naging desisyon ng korte na umano’y naglilimita sa kakayahan ng Bureau of Customs na magsagawa ng inspeksiyon sa mga naturang container.

Ayon kay Dizon, minonitor ng kanilang grupo kasama ang kanilang mga non-government organization counterparts sa Estados Unidos ang paggalaw ng naturang shipment bago pa man ito dumating sa Pilipinas.

Sinabi niyang batay sa kanilang isinagawang tracking, natukoy na ang laman ng mga container ay electronic waste na naglalaman ng iba’t ibang mapanganib na kemikal.

Binigyang-diin ni Dizon na ang hindi tamang pamamahala sa e-waste ay maaaring magdulot ng matinding pinsala sa kalusugan ng tao at sa kapaligiran.