Inaprubahan ng International Criminal Court (ICC) Trial Chamber III ang pagpapa-freeze nang perang nakumpiska noon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos siyang maaresto at dalhin sa kustodiya ng international tribunal noong Marso 2025.
Ito’y matapos hilingin ng prosekusyon na ma-access ang kanyang mga personal na gamit at i-freeze ang anumang perang dala ng dating pangulo.
Batay sa mga dokumentong inilabas ng ICC noong Biyernes, Hunyo 27, 2026, pinaboran ng korte ang mosyon ng prosekusyon na ipagpatuloy ang pag-freeze sa anumang halagang nakuha mula kay Duterte sa panahon ng kaniyang pag-aresto.
Nauna nang kinuwestiyon ng kampo ni Duterte ang naturang hakbang ng Trial Chamber III.
Ayon sa depensa, hindi na umano kinakailangang gawin ng prosekusyon ang kanilang kahilingan dahil nasa kustodiya na aniya ng ICC Registry ang nasabing pera.
Giit pa nila, wala itong magiging epekto sa kasalukuyang pagdinig ng kaso.
Hindi naman ibinunyag ng ICC kung magkano ang perang nasamsam mula sa dating pangulo.
Samantala, humiling din ang prosekusyon na mabigyan ng access sa iba pang mga bagay na nakumpiska mula kay Duterte sa panahon ng kaniyang pag-aresto.
Bagama’t hindi tumututol ang depensa sa pagsusuri ng ilan sa mga nasamsam na kagamitan, hiniling ng abogado ni Duterte na si Atty. Peter Haynes na huwag pahintulutan ang prosekusyon na siyasatin ang mga susi at iba pang personal na kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC Registry.
Ayon sa depensa, walang sapat na batayan ang prosekusyon upang iugnay ang mga susi sa umano’y mga krimeng iniimbestigahan o sa anumang ari-ariang may kaugnayan sa kaso.
Iginiit din nitong hindi maaaring magsagawa ng anumang paghahalughog upang saka pa lamang maghanap ng ebidensiyang magbibigay-katwiran sa kaso.
Hiling din ng kampo ni Duterte na kung papayagan ang pagsusuri sa iba pang mga nakumpiskang gamit, tiyakin ng prosekusyon na mapoprotektahan ang mga personal na impormasyon ng dating pangulo at ng kaniyang pamilya na walang kaugnayan sa isinasagawang imbestigasyon.










