Dapat maging pantay ang batas sa mga ordinaryong mamamayan at sa mga opisyal ng pamahalaan.
Ito ang inihayag ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union matapos niyang ihambing ang naging banta ni Vice President Sara Duterte sa pag-aresto sa isang guro noong 2020.
Ipinunto ni Ortega na kung naaresto noon ang isang public school teacher na si Ronnel Mas dahil sa pag-post ng biro na magbibigay siya ng P50 milyong piso para ipapatay si dating Pangulong Rodrigo Duterte, mas lalong hindi dapat ituring na simpleng malayang pagpapahayag o free speech ang mas mabigat na banta ng bise presidente.
“Hindi natin minamaliit ang karapatan sa free speech. Pero kung ang biro o post ng isang teacher ay agad tinrato bilang seryosong banta noon, bakit ngayon parang gustong palabasin na hindi seryosong banta ang mas mabigat na pahayag mula sa Pangalawang Pangulo?” pahayag ni Ortega.
Matatandaang hayagang sinabi ni VP Sara na may inutusan siyang pumatay kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez kung sakaling siya ay mapatay.
Ayon kay Ortega, hindi maaaring bigyan ng espesyal na palusot ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa habang mabilis naman ang pagpaparusa sa isang ordinaryong mamamayan.
Dagdag pa ng mambabatas, mas seryoso ang bawat salita ng bise presidente dahil siya ang unang nakapila sa ilalim ng Konstitusyon upang maging pangulo sakaling mabakante ang posisyon sa Malacañang.
Binigyang-diin ni Ortega na ang Senate impeachment court ang tamang proseso upang matukoy kung angkop pa ba si Duterte sa kanyang pwesto, at dapat harapin ng kanyang kampo ang paglilitis upang mapagpasyahan kung ang pahayag nito ay isang seryosong paglabag sa tiwala ng bayan.
“Hindi private citizen ang nagsalita dito. Ang nagsalita ay Pangalawang Pangulo ng Pilipinas, ang opisyal na puwedeng maging Pangulo anumang oras kung mabakante ang Malacañang. Kaya ang bawat salita niya, lalo na tungkol sa buhay ng Pangulo, may bigat na hindi puwedeng basta i-dismiss,” wika ni DS Ortega.










