Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Cyber Security Specialist na si Tzar Umang hinggil sa paglipana ng mga marahas na online games, partikular na ang larong “Gorebox,” na nagdudulot umano ng negatibong epekto sa mental na kalusugan at kaligtasan ng mga kabataang Pilipino.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Umang na ang Gorebox ay may R18 rating mula sa Entertainment Software Rating Board (ESRB) dahil sa labis na karahasan na tema nito. Ayon sa eksperto, ang mga ganitong uri ng laro ay maaaring magkaroon ng psychological impact sa mga bata.

Bukod sa mismong nilalaman ng laro, itinuturing ni Umang na ang chat box ang pinakamalaking banta sa kaligtasan ng mga bata sa mga platform gaya ng Gorebox at Roblox. Ayon sa kanya, ginagamit ito ng mga pedophile, scammer, at maging ng mga teroristang grupo upang mag-brainwash o mag-recruit ng mga kabataan.

--Ads--

Suportado ni Umang ang pansamantalang pag-ban sa mga ganitong laro habang wala pang malinaw na polisiya ang bansa. Iminungkahi niya na dapat magtulungan ang DICT at MTRCB upang bumuo ng framework para sa regulasyon ng online games, katulad ng ginagawa sa mga pelikula.

Pinayuhan ni Umang ang mga magulang na maging mapagmatyag sa paggamit ng kanilang mga anak ng mga digital na kagamitan sa pamamagitan ng pag-activate ng child account settings upang maaprubahan muna ng magulang ang anumang larong nais i-install ng kanilang anak.

Higit sa lahat, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipag-bonding at paggugol ng oras kasama ang mga anak sa labas ng digital na mundo upang mailayo ang kanilang atensyon sa mga mapanganib at hindi angkop na content.

Para naman sa sektor ng edukasyon, hinimok niya ang mga guro na paigtingin ang seguridad at maging sensitibo sa mga “warning signs” o pagbabago sa ikinikilos ng mga estudyante na maaaring bunsod ng bullying o impluwensya ng mararahas na online games.