Nakapasok na ang bansang Mexico sa Round of 32 o knockout stage ng nagpapatuloy na FIFA World Cup 2026 matapos makalikom ng anim na puntos sa Group A.

Ayon kay Julius Besejos Lerdon, Bombo International News Correspondent sa Mexico, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, mayroon nang tatlong goal difference ang koponan ng Mexico, dahilan upang maging maganda ang kanilang posisyon sa grupo.

Sa kasalukuyan, dalawa na ang panalo ng Mexico sa Bracket A, kaya’t nakatitiyak na itong aabante sa susunod na yugto ng torneo kahit pa matalo sa kanilang nakatakdang laban kontra sa Czech Republic bukas.

--Ads--

Dahil sa dalawang magkasunod na panalo at anim na puntos, nananatiling matatag ang kampanya ng Mexico sa group stage habang target nitong tapusin ang eliminasyon sa mas mataas na puwesto bago sumabak sa knockout round.

Inaasahang magiging mahalaga pa rin ang laban kontra Czech Republic upang mapalakas pa ng Mexico ang kanilang momentum sa susunod na yugto ng FIFA World Cup 2026.