Maaaring humantong sa pagkakakulong ang sinumang mapatutunayang naglipat o nangialam sa mga muhon na nagsisilbing opisyal na palatandaan ng hangganan ng mga lupain.

Ayon kay Atty. Joey Tamayo, isang law expert mahalagang igalang at panatilihin ang mga muhon dahil ito ang ginagamit na batayan sa pagtukoy ng eksaktong sakop at hangganan ng isang ari-arian.

Aniya, ang bawat lupa ay may kaukulang technical description na nakasaad sa titulo, na siyang sinusunod ng mga geodetic engineer sa pagsukat at pagtukoy ng mga boundary ng lupa.

--Ads--

Ipinaliwanag ng abogado na ang mga teknikal na paglalarawan sa titulo ang nagsisilbing opisyal na gabay sa pagtatakda ng lokasyon at lawak ng isang lupain.

Dahil dito, hindi maaaring ibatay lamang sa nakagawian o personal na pananaw ang pagtukoy sa hangganan ng isang ari-arian.

Binigyang-diin din niya na ang sinumang maglilipat ng muhon ay maaaring managot sa ilalim ng batas at maharap sa kaukulang kaparusahan.

Kasabay nito, hinikayat ni Tamayo ang mga may-ari ng lupa at maging ang mga magsasaka na kumonsulta sa mga lisensiyadong geodetic engineer kung may pagdududa o hindi pagkakaunawaan hinggil sa hangganan ng kanilang mga lupain.

Aniya, ang wastong pagsusukat at beripikasyon ng mga muhon ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ang mga alitan at matiyak na nasusunod ang mga nakasaad sa titulo ng lupa.

Ipinaalala rin ni Tamayo na ang mga usapin tungkol sa panghihimasok o pagpasok sa lupang pag-aari ng iba ay maaaring dalhin sa hukuman sa pamamagitan ng mga kaukulang legal na remedyo upang mabawi ang posesyon o maipagtanggol ang karapatan sa ari-arian.

Tungkol naman sa proseso ng paglilitis, sinabi ng abogado na ang mga kasong may kaugnayan sa lupa ay maaaring tumagal ng ilang buwan hanggang isang taon sa trial court, at maaari pang humaba kapag umabot sa mga mas mataas na hukuman sa pamamagitan ng apela.

Sa huli, nanawagan si Tamayo sa publiko na pairalin ang maayos na pakikipag-ugnayan upang maiwasan ang hindi kinakailangang sigalot.