Pinaigting ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagbabantay at transparency measures sa West Philippine Sea habang nagbabala ang mga eksperto na maaaring bahagi ng pangmatagalang plano ng China ang paggawa ng artificial island sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, nananatili sa lugar ang mga barko ng China, kasama ang movable floating platform, mga boya at antenna-like equipment na iginiit ng Beijing na bahagi umano ng lehitimong marine scientific research.
Sinabi naman ni Tarriela na patuloy ang maritime surveillance flights at pagdeploy ng Coast Guard vessels upang bantayan at kuwestiyunin ang presensya ng dalawang Chinese research vessels sa loob ng shoal.
Aniya, layunin ng transparency campaign na ipaalam sa international community ang mga nangyayari sa Bajo de Masinloc at mapigilan ang anumang pagtatangkang magtatag ng mas permanenteng presensya ang China sa lugar.
Nauna nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi papayagan ng pamahalaan na gawing man-made island ang Bajo de Masinloc dahil sa pangambang maulit ang ginawa ng China sa iba pang pinag-aagawang teritoryo.










