Dagupan City – Nagbabala ang Ban Toxics sa publiko hinggil sa panganib ng ilang rain protection products tulad ng raincoat, bota, at payong na maaaring naglalaman ng mataas na antas ng lead at iba pang mapanganib na kemikal, lalo na sa mga batang gumagamit nito.
Ayon kay Tony Dizon, campaigner ng Ban Toxics, patuloy nilang binabantayan ang mga produktong may mataas na lead content dahil karaniwang ginagamit ang mga ito ng mga bata.
Aniya, mahalagang maituring ang mga naturang produkto sa ilalim ng children’s category upang matiyak na hindi ito naglalaman ng mga sangkap na maaaring makasama sa kalusugan.
Ipinaliwanag ni Dizon na may ilang uri ng materyales, partikular ang mga gawa sa PVC o plastic at may matitingkad na kulay, na maaaring magtaglay ng mapanganib na kemikal.
Kapag nalantad kasi aniya ang mga bata sa mga ito, maaari umanong maglabas ng amoy-plastik ang materyal at dumikit sa kanilang mga kamay, na posibleng maisubo nila.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga magulang na maging mapanuri sa pagbili ng rain protection products para sa kanilang mga anak.
Hindi aniya lahat ng raincoat, bota, at payong ay may mataas na lead content, subalit marami sa mga produktong gawa sa PVC ang nangangailangan ng masusing pagsusuri.
Dagdag pa niya, patuloy ang kanilang kampanya sa pagbibigay ng paalala sa publiko lalo na’t dumarami ang mga produktong nabibili online at inaangkat mula sa ibang bansa.
Binigyang-diin din ni Dizon na ang lead ay isang kemikal na naiipon sa katawan sa paglipas ng panahon.
Kaya’t ang matagal na exposure dito ay maaaring magdulot ng seryosong epekto sa kalusugan, kabilang ang pinsala sa pag-unlad at paggana ng utak ng mga bata.
Kaugnay nito, pinayuhan niya ang publiko na suriing mabuti ang product information at labels ng mga binibiling produkto.
Dapat aniyang malinaw na nakasaad kung ang produkto ay lead-safe o chemical-free at kumpleto ang impormasyong nakalagay sa label.
Samantala, ngayong panahon ng pasukan, nagbabala rin ang Ban Toxics laban sa patuloy na paggamit ng single-use plastics dahil sa negatibong epekto nito sa kalikasan at sa kalusugan ng mamamayan.










