Bagaman nakararanas ng relatibong katahimikan sa mga nakalipas na araw, nananatiling nasa “high alert” ang mga Filipino sa Israel dahil sa pabigla-biglang banta ng pag-atake sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kristine Soriano, Bombo International News Correspondent sa Israel, iniulat nito na mas maayos ang sitwasyon ngayon kumpara noong nakaraang dalawang buwan. Gayunpaman, binigyang-diin niya na hindi sila dapat maging kampante.
Ayon kay Soriano, bagaman madalang na ang mga abiso sa cellphone, isang paalala ito na nananatiling banta ang panganib sa kabila ng tahimik na kapaligiran.
Binanggit din sa ulat na patuloy ang mga negosasyon para sa isang ceasefire o tigil-putukan. Ayon sa mga balitang namonitor ni Soriano sa Israel, may mga pahayag umano laban sa tuloy-tuloy na palitan ng tirada sa pagitan ng Iran at Israel, kabilang na ang napaulat na pananaw ni US President Donald Trump ukol dito.
Sa kabila ng panganib, marami pa ring mga Pilipino ang pinipiling manatili sa Israel. Ayon kay Soriano, malaki ang tiwala ng mga OFW sa “Iron Dome” at “Iron Beam” defense systems ng bansa na epektibong humaharang sa mga missiles, pati na rin ang pagkakaroon ng mga bomb shelter sa bawat tahanan.
Pinapayuhan naman ng mga employer ang kanilang mga manggagawang Pilipino na limitahan muna ang paglalakbay o paggala at manatili muna sa loob ng bahay.
Nag-iwan ng paalala si Soriano sa kanyang mga kapwa OFW na manatailing nakaalerto sa mga posibleng sirena at pag-atake, at huwag na mag-alangang tumakbo sa mga bomb shelters.










