Malalaking adjustments ang isinasagawa ngayon sa Boston bilang paghahanda sa pagho-host nito ng mga laban para sa FIFA World Cup 2026.

Ayon kay Harold Mortel, Bombo International News Correspondent sa Estados Unidos ito ang kauna-unahang pagkakataon na magiging venue ang estado ng Massachusetts para sa pinakamalaking torneo sa football sa buong mundo kaya puspusan ang paghahanda ng mga lokal na awtoridad at organizers.

Gaganapin ang mga laban sa Gillette Stadium sa Foxborough, Massachusetts, na may kapasidad na mahigit 65,000 manonood.

--Ads--

Kilala ang stadium bilang tahanan ng New England Patriots ng National Football League (NFL) at New England Revolution ng Major League Soccer (MLS).

Dahil dito, inaasahang dadagsa rito aniya ang libu-libong lokal at dayuhang football fans sa panahon ng torneo.

Nauna nang nagsimulang dumating sa Estados Unidos ang ilan sa mga bansang lalahok sa FIFA World Cup 2026 na gaganapin mula Hunyo 11 hanggang Hulyo 19.

Nagkaroon din ng iba’t ibang send-off ceremonies ang mga koponan sa kani-kanilang bansa bago bumiyahe patungong North America.

Kasalukuyang nasa Kansas City ang defending champion na Argentina national team o Albiceleste, kung saan tampok sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ang mga poster ng kanilang mga football star kabilang sina Lionel Messi at ang yumaong football legend na si Diego Maradona.

Dumating naman sa Newark International Airport sa New Jersey ang limang beses na World Cup champion na Brazil, habang nasa Florida naman ang koponan ng England na kilala bilang Three Lions.

Sa kabila ng excitement para sa FIFA World Cup, sinabi ni Mortel na nananatiling mas popular ang basketball kaysa soccer sa kanilang lugar, bagama’t kapansin-pansin ang pagtaas ng interes ng publiko sa football dahil sa pagho-host ng torneo.

Samantala, sinabi ni Mortel na sino man ang magwagi sa FIFA World Cup 2026 ay tiyak na mag-uuwi ng karangalan para sa kanilang bansa at mag-iiwan ng panibagong kabanata sa kasaysayan ng pandaigdigang football.