Nais imbestigahan ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian ang serye ng red at yellow alerts ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) kasunod ng malawakang pagkawala ng kuryente sa Luzon at Visayas na nakaapekto sa milyun-milyong consumers.
Sa inihaing Senate Resolution No. 425, hiniling ni Gatchalian ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang tunay na estado ng suplay ng kuryente sa bansa, masuri ang pagiging maaasahan ng power grid, at mapanagot ang mga sektor na posibleng may pagkukulang sa naganap na mga power interruption.
Ayon sa senador, mahalagang malaman kung sumusunod ang mga power generation companies sa itinakdang pamantayan ng industriya at kung sapat ang mga hakbang ng pamahalaan upang maiwasan ang pag-ulit ng malawakang pagkawala ng kuryente.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na maaaring lumala pa ang kakulangan sa suplay ng kuryente dahil sa inaasahang paglala ng epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan.
Matatandaang nasa ilalim ng red at yellow alerts ang Luzon at Visayas grids sa iba’t ibang pagkakataon nitong mga nakaraang linggo, habang tinatayang nasa 2.1 milyong consumers ang naapektuhan ng pagkawala ng kuryente noong Mayo 13.
Sa panig ng NGCP, iginiit nitong maaari lamang silang mag-transmit ng kuryente kung may sapat na suplay na nagmumula sa mga power generation companies.
Dahil dito, inaasahang tututukan ng Senado ang pagtukoy kung kakulangan ba sa power supply, problema sa transmission system, o iba pang salik ang ugat ng mga nagdaang power outages sa bansa.










