Nasa final preparation na ang Mexico para sa opening match ng FIFA World Cup 2026 na gaganapin sa Hunyo 11 sa Estadio Azteca sa Mexico City.
Ayon kay Julius Besejos Lerdon, Bombo International News Correspondent sa Mexico, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, haharapin ng Mexico ang South Africa sa pagbubukas ng torneo.
Iniulat din na inimbitahan si Shakira upang magtanghal sa opening ceremony.Si Shakira ay isang Colombian singer at performer na kilala sa buong mundo dahil sa kanyang natatanging boses, sayaw (lalo na ang belly dancing), at mga hit na kanta gaya ng Hips Don’t Lie at Waka Waka.
Samantala, sinabi ni Lerdon na nagkaroon ng ilang pagbabago sa mga patakaran dahil ito ay isang worldwide tournament.
Medyo may kamahalan ang ticket, kung saan ang pinakamura ay nasa humigit-kumulang 1,000 Mexican pesos o katumbas ng humigit-kumulang ₱3,500.
Dagdag pa niya, para sa mga Mexicano, ang World Cup ay hindi lamang isang laro kundi bahagi ng kanilang pambansang identidad, dahil football ang itinuturing na numero uno na isport sa bansa.
Isa ang Mexico sa mga bansang magho-host ng World Cup, kasama ang Canada at Estados Unidos. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan na idaraos ang torneo sa tatlong bansa.









