Dagupan City – Nagpapatuloy ang isinasagawang Libreng Theoretical Driving Course ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley sa pakikipagtulungan ng Land Transportation Office (LTO) bilang bahagi ng programa nitong magbigay ng wastong edukasyon sa pagmamaneho sa mga residente.

Sinimulan ang pagsasanay noong Hunyo 6 at magpapatuloy hanggang Hunyo 7 sa Binmaley Training Center, kung saan ang mga kalahok ay ang mga aplikanteng naunang nagparehistro noong Mayo 18.

Layunin ng programa na mabigyan ang mga kalahok ng sapat na kaalaman hinggil sa ligtas na pagmamaneho, tamang paggamit ng kalsada, at pagsunod sa mga batas trapiko.

--Ads--

Kabilang din sa mga tinalakay ang mga responsibilidad ng isang motorista at ang kahalagahan ng disiplina sa daan upang makatulong sa pag-iwas sa mga aksidente.

Sa kabila ng pabago-bagong lagay ng panahon, itinuloy pa rin ang pagsasanay upang matiyak na makatatanggap ng kinakailangang kaalaman ang mga aplikante na nagnanais makakuha ng driver’s license.

Patuloy na isinusulong ng lokal na pamahalaan ang mga programang nakatuon sa pagpapataas ng kamalayan sa kaligtasan sa kalsada at pagbibigay ng oportunidad sa mga residente na makakuha ng de-kalidad at libreng pagsasanay sa pagmamaneho.

Inaasahan na sa pamamagitan ng programang ito ay mas marami pang responsableng motorista ang mabubuo sa bayan ng Binmaley, na makatutulong sa pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan.