Dagupan City – Muling nanawagan si Laoac Mayor Ricardo Balderas sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan na suportahan ang planong pagpapatayo ng isang modernong commercial building na aniya’y makapagbibigay ng pangmatagalang kita at oportunidad sa negosyo para sa bayan.
Ayon sa alkalde, unang inihain pa noong 2022 ang panukalang proyekto ngunit paulit-ulit itong naaantala dahil hindi umano siya nabibigyan ng kinakailangang awtorisasyon ng Sangguniang Bayan upang makipagnegosasyon at makipagtransaksyon sa bangko para sa planong pautang ng lokal na pamahalaan.
Ipinaliwanag ni Balderas na nakatakdang palitan ng bagong gusali ang kasalukuyang commercial building na itinuturing nang hindi ligtas gamitin at mayroon nang rekomendasyong gibain o palitan dahil sa kondisyon nito.
Aniya, sa halip na mapakinabangan ng munisipyo ang potensyal na kita mula sa mga negosyante, napupunta umano ang mga ito sa pribadong gusali na may mataas na singil sa renta ngunit limitado lamang ang naibabalik na buwis sa lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng plano, mangungutang ang munisipyo ng humigit-kumulang P150 milyon upang pondohan ang konstruksyon ng isang makabagong commercial building na inaasahang magiging modelo hindi lamang sa Laoac kundi maging sa iba pang bayan sa lalawigan.
Tiniyak naman ng alkalde na dumaan sa pag-aaral ang proyekto at may malinaw itong return on investment na magbibigay ng karagdagang kita sa pamahalaang bayan sa mga susunod na taon.
Isa rin sa kanyang ikinababahala ang posibilidad na hindi na maging prayoridad ng susunod na administrasyon ang pagpapaunlad ng sektor ng negosyo kapag natapos ang kanyang termino.
Dahil dito, umapela siya sa mga miyembro ng Sangguniang Bayan na isaalang-alang ang pangmatagalang interes ng bayan sa halip na mga pansariling konsiderasyon.
Samantala, isa sa mga pangunahing argumento ng mga tumututol sa proyekto ay ang pangamba na maaaring hindi marentahan o mapuno ang mga commercial spaces sa planong gusali.
Gayunman, iginiit ng alkalde na malaking tulong ang proyekto sa pagsasaayos ng zoning at lokasyon ng mga negosyo sa bayan, bukod pa sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya at paglikha ng mas maayos na sentro ng komersiyo sa Laoac.










