Binigyang-diin ng political analyst at abogado na si Atty. Michael Henry Yusingco ang pangangailangan para sa mas malalim na pananagutan at transparency sa pamahalaan sa gitna ng mga kinakaharap na anomalya sa flood control projects at mga isyu sa integridad ng Kongreso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinaliwanag ni Atty. Yusingco na ang pananagutan ng mga pinuno ng Kamara, gaya ni Speaker Martin Romualdez, ay nakadepende sa ebidensyang hawak ng Ombudsman. Dahil sa “functional control” o hawak ng mga lider ang proseso ng budget, mas malalim ang kanilang posibleng liability kung mapapatunayang may anomalya sa mga proyekto. Ayon sa kanya, ang mga pinuno at mambabatas na nagpapasok ng mga proyekto para sa kickback ay dapat managot base sa mga paper trail at testimonial evidence mula sa mga state witnesses.
Mariing pinuna ni Yusingco ang kawalan ng transparency sa bicameral conference committee kung saan ang pagbuo ng budget ay madalas na ginagawa “behind closed doors”. Dahil dito, isinusulong niya ang pagpasa ng isang Budget Reform Law. Layunin nito na magkaroon ng access ang media, civil society, at publiko sa bawat hakbang ng budget process—mula sa budget call hanggang sa pagpirma ng presidente—upang malaman kung saan nanggagaling at saan napupunta ang kaban ng bayan.
Kaugnay ng mga imbestigasyon sa Senado, nilinaw ni Yusingco na bagama’t walang direktang prohibisyon sa batas, umiiral ang “customary parliamentary courtesy” kung saan hindi maaaring pilitin o arestuhin ang isang mambabatas mula sa kabilang kapulungan kung tatanggi itong dumalo sa inquiry. Nagbabala rin siya na ang isang seryosong imbestigasyon ay dapat nakatutok sa mga katotohanan at ebidensya; kapag puno aniya ng “drama at patawa,” malinaw na ito ay ginagamit lamang bilang political weapon.
Tinalakay din ang pagpapatalsik kay Cavite Rep. Kiko Barzaga dahil sa alegasyon ng pagkakalat ng disinformation. Ayon kay Yusingco, ang “public office is a public trust,” at ang mga boto ng taong bayan ay hindi proteksyon para sa mga opisyal na lumalabag sa batas. Gayunpaman, nagpahayag siya ng pangamba na baka magamit ang ganitong proseso upang patahimikin ang mga kritiko ng administrasyon. Binigyang-diin niya na ang “free speech” ay hindi dapat gamitin para sa disinformation, ngunit ang pagkawala ng representante ay isang dagok sa mga botante na nawawalan ng boses sa Kongreso.








