Inaprubahan ng parliament ng Ghana nitong linggo ang Human Sexual Rights and Family Values Bill 2025, isang mahigpit na panukalang batas na naglalayong sugpuin ang mga aktibidad ng LGBTQIA+ sa bansa. Ang hakbang na ito ay umani ng malakas na suporta mula sa mga relihiyosong grupo ngunit mariing kinondena ng mga tagapagtanggol ng karapatang pantao.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga indibidwal na mapapatunayang nakikibahagi sa homosexual relations ay maaaring mabilanggo ng hanggang tatlong taon. Higit na mas mabigat ang parusa para sa mga mapapatunayang sumusuporta sa mga aktibidad ng LGBTQIA+, na maaaring makulong ng tatlo hanggang limang taon.
Agad naman na ikinatuwa ng mga konserbatibong grupo ang pagpasa ng nasabing batas. Sa kabilang banda naman, binalaan ng mga human rights advocates ang magiging epekto nito sa demokrasya ng Ghana.
Ang Human Sexual Rights and Family Values Bill 2025 ay muling binuhay na bersyon ng panukalang ipinasa noong 2024 na nabigong maging batas dahil hindi ito napirmahan bago matapos ang nakaraang parliamentary term.
Bagama’t may mga exemption ang batas para sa mga mamamahayag, abogado, at doktor sa pagganap ng kanilang tungkulin, nangangamba pa rin ang ilang journalist na maaari itong maging mitsa ng harassment at karahasan laban sa mga bulnerableng grupo.
Sa kasalukuyan, nakasalalay ang pinal na desisyon kay President John Dramani Mahama kung lalagdaan niya ito upang maging ganap na batas, sa gitna ng mga katanungan tungkol sa pagsalungat nito sa 1992 Constitution ng bansa ukol sa privacy at freedom of expression.










