Nakakulong na ngayon ang tatlong katao matapos silang mahuli at kasuhan dahil sa pagnanakaw ng mga kable ng kuryente sa Barangay Cabanbanan sa bayan ng Manaoag.

Natuklasan ang insidente pasado alas-diyes ng umaga, kung saan napag-alaman na pinutol at tinanggal ng mga suspek ang mga kable na nakakonekta sa mga ilaw sa kalsada.

Ang kanilang ginawa ay naging dahilan ng pansamantalang pagkawala ng serbisyo ng kuryente sa lugar.

--Ads--

Agad na naipagbigay-alam ang pangyayari sa mga pulis matapos makita ng mga saksi at opisyal ng barangay na kumikilos nang kahina-hinala ang grupo habang paparating naman ang mga nagpapatrolyang kawani ng barangay.

Sa pamamagitan ng isinagawang follow-up operation, matagumpay na natunton at nahuli ng mga awtoridad ang tatlong suspek.

Nakuha at nakumpiska mula sa kanila ang iba’t ibang piraso ng pinutol na kable ng kuryente, isang metal cutter, at mga kableng tanso.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng kapulisan ang mga suspek habang inihahain na ang kasong kanilang kakaharapin.