DAGUPAN CITY- Isinusulong sa Sangguniang Panlungsod ng Dagupan ang isang draft resolution na naglalayong madagdagan pa ang police force sa mga lugar ng turismo sa syudad.
Ayon kay Coun. Joey Tamayo na pinag-uusapan ngayon ng Advisory Council ng Dagupan Police Office, kasama si Mayor Belen Fernandez at Vice Mayor Bryan Kua, sa pagkakaroon ng Concentrated PNP Security upang matiyak ang seguridad sa tourist areas ng syudad.
At sa pag-uusapan naman ng Sangguniang Panglungsod, kasama at Tourism Office at Kapulisan, tinalagang pangunahing tourist area ang Dagupan City Coastline mula Barangay Pugaro patungong Bonuan Gueset, Bonuan Guilig, hanggang sa Bonuan Binloc.
Sa tulong ng Tourist Police ay madaragdagan pa ang seguridad sa mga nasabing lugar.
Binigyan diin naman ni Coun. Michael Fernandez ang kahalagahan ng naturang resolusyon dahil sa mga kaso ng krimen na pambibiktima sa mga turista tuwing oras ng pagsikat at paglubog ng araw sa Tondaligan Beach.
Napapanahon din ito dahil sa planong rehabilitation sa ilang mga pasilidad sa nasabing lugar na magpapaataas pa ng turismo.
Sinabi naman ni Couc. Fernandez na magkakaroon ng special training ang mga itatalagang kapulisan na magiging bahagi ng Tourism Police Unit.
Magkakaroon aniya ng kaibahan sa kagamitan ang mga ito upang madaling lapitan ng mga turista.
Nagpahayag naman ng manipesto si Coun. Karlos Reyna na ang tanging sakop ng trabaho ng mga itatalagang kapulisan ay tourist concerns lamang.
Aniya, kinagandahan nito na mapagtutuonan ang seguridad at kaayusan ng mga bumibisitang turista.
Nagpakita ng suporta si Reyna sa resolusyon upang mapanatili ang kaligtasan ng mga turista habang pinapalakas ang turismo sa syudad.










