Nakabuo ang mga mananaliksik mula sa University of the Philippines (UP) Diliman – College of Science ng isang artificial intelligence (AI) tool na layong pabilisin ang pagtuklas ng mga bagong antibacterial peptides na maaaring magsilbing alternatibong antibiotics.

Ang AI system na tinawag na ISCAPE (Interpretable Support Vector Classifier of Antibacterial Activity of Peptides against Escherichia coli) ay binuo nina Remmer Salas, Dr. Portia Mahal Sabido, at Dr. Ricky Nellas mula sa Institute of Chemistry.

Ayon sa mga developer, kayang hulaan ng ISCAPE kung ang isang peptide ay may kakayahang pumatay o pumigil sa paglago ng E. coli, isang bacteria na maaaring magdulot ng food poisoning, diarrhea, at urinary tract infections.

--Ads--

Sa halip na tradisyunal na proseso na nangangailangan ng sunod-sunod na laboratory testing, gumagamit ang sistema ng Simplified Molecular Input Line-Entry System (SMILES) upang mabilis na suriin ang mga candidate molecule.

Ipinaliwanag ni Salas na sinanay ang AI gamit ang umiiral na datos upang matukoy ang mga pattern na aktibo at hindi aktibong peptides. Bukod dito, ipinapakita rin ng ISCAPE kung aling molecular features ang nagpapahusay sa bisa ng isang peptide, kaya’t mas napapabilis ang pananaliksik at nababawasan ang magastos na trial-and-error experiments.

Gayunpaman, nilinaw ng mga mananaliksik na hindi nito pinapalitan ang aktuwal na laboratory testing kundi nagsisilbi lamang bilang tulong sa mas mabilis na pag-screen ng mga posibleng candidate.

Ayon pa sa team, maaaring i-adapt ang modelo para sa iba pang uri ng bacteria at bioactive peptides, basta’t gagamitan ito ng angkop at mataas na kalidad na dataset para sa retraining.