Patuloy na pinalalakas ng Pangasinan Public Employment Service Office ang mga programa para sa employment at skills development upang matulungan ang mga residente na magkaroon ng hanapbuhay at mapagkakakitaan.

Ayon kay Wilfreda Vicente, Labor Employment Officer III, Pangasinan PESO, kabilang sa regular na programa ng tanggapan ang iba’t ibang skills training tulad ng basic carpentry at basic nail care.

Layunin nitong mabigyan ng dagdag na kakayahan ang mga kalahok upang makapagsimula ng sariling pagkakakitaan o makahanap ng trabaho.

--Ads--

Matapos umano ang pagsasanay, tumatanggap din ng toolkits ang mga kalahok upang makatulong sa pagsisimula ng kanilang kabuhayan.

Maaaring magamit ang mga natutunang kasanayan sa home service o iba pang pagkakakitaan gaya ng pagkukumpuni at carpentry works.

Hinikayat din ng PESO ang publiko na regular na subaybayan ang kanilang Facebook page upang malaman ang schedule ng mga skills training at iba pang programa.

Nilinaw nito na first come, first served ang pagpili ng mga kalahok depende sa available slots.

Bukod sa skills training, patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng PESO sa iba’t ibang kumpanya at recruitment agencies upang mapalawak ang oportunidad sa trabaho para sa mga residente ng Pangasinan.

Ayon kay Vicente, kinakailangang dumaan sa accreditation process ang mga bagong kumpanya at recruitment agencies bago sila payagang makipag-ugnayan sa PESO.

Kabilang sa mga hinihinging requirements ang company profile, business registrations, permits, at iba pang dokumentong nagpapatunay na lehitimo ang operasyon ng mga employer.

Para naman sa overseas recruitment agencies, kinakailangan ding magsumite ng lisensya mula sa Department of Migrant Workers, approved job orders, affidavit of undertaking, at iba pang kinakailangang dokumento bago sila payagang makapag-recruit ng aplikante.

Samantala, patuloy rin ang implementasyon ng Special Program for Employment of Students kung saan idinedeploy ang mga estudyante sa iba’t ibang paaralan upang magkaroon ng karanasan sa trabaho habang kumikita para sa kanilang pag-aaral.

Bukas din ang tanggapan ng PESO para sa walk-in applicants mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Pinapayuhan ang mga aplikante na magdala ng resume na may larawan, employment certificates, training certificates, at iba pang mahahalagang dokumento tulad ng diploma, transcript of records, at clearances.

Para naman sa mga nagnanais mag-apply abroad, mahalagang maihanda rin ang kanilang passport at iba pang requirements na maaaring hingin ng employer.

Binigyang-diin din ni Vicente ang kahalagahan ng tamang paghahanda sa pag-aapply ng trabaho kabilang ang maayos na pananamit, sapat na kaalaman para sa examinations at interviews, at pagkakaroon ng magandang asal.

Ayon sa kanya, mahalagang maging handa hindi lamang sa pisikal at intelektwal na aspeto kundi maging sa pag-uugali dahil isa ito sa pangunahing tinitingnan ng mga kumpanya sa pagpili ng empleyado.