Inaprubahan sa first reading ng Sangguniang Panlalawigan ang Proposed Provincial Ordinance No. 62-2026 na naglalayong pansamantalang ibaba ang road maintenance fees at quarry extraction fees sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Vice Governor Mark Ronald Lambino, ang panukalang ordinansa ay inihain ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) bilang tugon sa kasalukuyang oil crisis na nararanasan ng bansa, na layuning maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa mga Pangasinense.

Sa ilalim ng panukala, target ang hanggang 30% na bawas sa kasalukuyang mga bayarin. Katumbas nito ang tinatayang ₱5 milyon na mababawas sa koleksyon kada buwan, o humigit-kumulang ₱30 milyon sa loob ng anim na buwang implementasyon.

--Ads--

Naipaliwanag na rin ang panukala sa Provincial Treasurer’s Office, kung saan isinagawa ang projection sa magiging epekto nito sa kita ng pamahalaang panlalawigan batay sa historical collection data noong nakaraang taon.

Kapag tuluyang maipasa sa mga susunod na linggo, ipatutupad ang ordinansa mula Hunyo hanggang Nobyembre 2026 bilang pansamantalang hakbang lamang, at inaasahang babalik sa normal na singil pagkatapos ng anim na buwan.

Gayunman, sinabi ng mga opisyal na maaari pa ring i-review ang polisiya depende sa magiging galaw ng presyo ng langis sa merkado.

Binigyang-diin pa ni Vice Gov. Lambino na maaari itong muling pag-aralan kung hindi pa rin bumabalik sa normal ang presyo ng langis matapos ang implementasyon.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsusuri ng Budget Office sa posibleng epekto ng revenue reduction sa mga programa ng lalawigan.

Batay sa paunang datos, nananatiling maayos ang koleksyon ng probinsya at nakakaabot pa sa targets o higit pa sa unang quarter ng taon.

Ayon pa sa bise gobernador, itinuturing na “manageable” ang posibleng ₱30 milyong kakulangan sa kita ng pamahalaang panlalawigan.

Dagdag pa nito, maaaring makatulong ang mga natipid na pondo mula sa binawasang gastusin sa Pista’y Dayat activities upang punan ang posibleng kakulangan sa koleksyon ng probinsya.