DAGUPAN CITY- Mahalagang mapanatili ang tubig ng katawan, lalo na ngayong patuloy ang pagpapawis dulot ng matinding init ng pahanon.

Ayon kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor at Natural Medicine Advocate, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, na umaabot sa humigit-kumulang 60% ang tubig sa katawan ng tao.

Aniya, mas mabilis maubusan ng tubig ang katawan sa tumataas na temperatura dahil sa patuloy na pagpapawis.

--Ads--

Kaugnay rito, umpisa pa lang nang umaga at sa simpleng gawain lamang ay nababawasan na ang tubig ng katawan.

Binigyan halaga niya na ang pagpapanatili ng sapat na tubig sa katawan ay nagbibigay tulong sa bato (kidney), utak, at buong katawan para mapanatiling ‘functional’ ang mga ito.

Kung mapabayaan ang lebel ng tubig sa katawn, ang labis na kakulangan ay nagdudulot ng dehydration.

Matutukoy na dehydrated ang isang tao kapag ito ay nakararanas ng matinding uhaw at pagkatuyo ng bibig, pagkahilo at panghihina, kakaunting pag-ihi, pagod at panghihina ng kalamnan, at pagkalito o hirap mag-concentrate.

Sinabi ni Dr. Soriano, mas mataas ang banta nito ngayong umaabot sa danger level ang temperatura ng panahon.

Mahalagang ugaliin ang pag-inom ng tubig, lalo na sa pagsapit ng Alas-9 ng umaga hanggang Alas-4 ng hapon.

Pinatotohanan niya ang paginom ng tubig na may halong sodium upang mapanumbalik ang nawalang tubig at enerhiya.

Gayunpaman, magpapalala lamang ng sitwasyon ang pag-inom ng energy drinks bilang alternatibo sa tubig dahil sa nilalaman nitong caffeine at asukal.