Naipamahagi na ang mahigit P98 milyong fuel subsidy sa mga taxi driver at operator sa buong bansa bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na tulungan ang mga nasa sektor ng transportasyon sa gitna ng masamang epekto ng krisis sa Gitnang Silangan, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pamamahagi para sa iba pang public utility vehicle drivers ay minamadali na rin alinsunod sa direktiba ni Presidente Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pamamagitan ni Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez.
Karamihan sa pondo ay ipinamahagi sa Central Office sa Quezon City, na sinundan ng Davao Region, Central Visayas at Western Visayas.
Sinabi ni Vigor na inatasan na niya ang mga Regional Director, partikular sa mga lugar na may malalaking lungsod, na bumaba at makipag-ugnayan sa TSEs para sa mabilis na pamamahagi ng fuel subsidy.
Sa katunayan, aniya, ay may iba pang major distribution dates para sa mga taxi operator at driver sa Biyernes at Sabado sa LTFRB Central Office at sa LTO Central Office, kapwa sa Quezon City.
Aniya, laging magiging bukas ang hotlines at social media accounts ng LTFRB para sa anumang isyu na may kinalaman sa pamamahagi ng fuel subsidy.










