Kaugnay ng usapin ng ayuda, sinabi ni Jerome Adonis, Chairperson ng Kilusang Mayo Uno (KMU), na bagama’t may mga sektor na nangangailangan nito, hindi ito ang pangmatagalang solusyon sa krisis. Aniya, nagiging selektibo ang pagbibigay ng ayuda at nagdudulot pa ito ng pagkakahati-hati ng mga mamamayan. Dagdag pa niya, kadalasang nagmumula sa utang ang pondo para dito na kalaunan ay babayaran din ng publiko.

Sa halip, muling iginiit ng KMU ang panawagan na tuluyang ibasura ang oil deregulation law o kaya’y tanggalin ang VAT at excise tax sa produktong petrolyo upang mapababa ang presyo ng mga bilihin at makatulong sa manggagawa at mamamayan.

Binatikos din ni Adonis ang pamahalaan sa umano’y kakulangan ng aksyon sa gitna ng krisis, kabilang ang mataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, at pagtaas ng kahirapan. Aniya, patuloy na sinasalo ng mga manggagawa ang bigat ng sitwasyon habang hinihikayat lamang silang magtipid.

--Ads--

Sa panukalang ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections upang ilaan ang pondo sa krisis, sinabi ni Adonis na hindi ito sapat na hakbang at maaaring nagsisilbi lamang upang mapanatili ang kita ng malalaking kumpanya.

Binigyang-diin din niya na ang agarang pangangailangan ng mamamayan ay ang pagtaas ng sahod o family living wage, na aniya’y makatarungan at praktikal na solusyon upang matugunan ang gutom at kahirapan.

Samantala, hinggil sa isyu ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Adonis na wala silang direktang pakialam dito, ngunit iginiit ang kahalagahan ng pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno, lalo na kaugnay ng umano’y malaking yaman na dapat ipaliwanag sa publiko.

Sa huli, nanawagan si Adonis sa mga manggagawa na lumahok sa mga pagkilos sa Mayo Uno upang igiit ang kanilang mga karapatan.

Aniya, lehitimo ang kanilang mga panawagan at ang pagpoprotesta ay isang karapatang hindi lumalabag sa batas, lalo na sa gitna ng patuloy na krisis na kinahaharap ng bansa.