Bumaba ang presyo ng mga gulay sa lungsod ng Dagupan kasunod ng rollback sa produktong petrolyo, na nagbigay ng bahagyang ginhawa sa mga mamimili kahit nananatiling mabagal ang bentahan dahil sa sobra-sobrang suplay.

Sa Malimgas Public Market, kapansin-pansin sa mga mamimili na mas nakakaabot na ang kanilang badyet kumpara sa mga nakaraang linggo.

Ayon sa mga nagtitinda, nakatulong ang pagbaba ng presyo ng krudo upang lumiit ang gastos sa transportasyon ng mga produktong agrikultural, bagaman hindi agad-agad ang pagbaba ng presyo ng gulay sa merkado.

--Ads--

Gayunpaman, inamin ng mga trader na matumal pa rin ang bentahan dahil kasalukuyang panahon ng anihan ngayong Abril.

Iminungkahi naman ng Samahang Industriya ng Agrikultura na paigtingin ang logistics at cold storage facilities upang maiwasan ang pagkalugi at mapanatiling matatag ang presyo ng mga produkto.