DAGUPAN CITY- Binigyan diin ng Department of Health Region I ang mahahalagang hakbangin upang tugunan ang isang indibidwan na nakagat ng makamandag na ahas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Center for Health Development-Department of Health (DOH) Region 1, sinabi niya na kinakailangan ng agarang first aid treatment ang isang indibidwal na natuklaw ng ahas na may kamandag.
Aniya, mahalagang matiyak na ‘steady’ ang bahagi ng nakitaan ng snake bite upang mapabagal pagkalat ng kamandag.
Maaaring bigyan ng pressure ang naturang bahagi kung ito ay nagdurugo.
Isa pa sa mahalagang isaalang-alang ang hindi pangingialam sa sugat, katulad ng pagkamot, pagbalot, o paglalagay ng anumang kemikal dahil sa banta ng panibagong inpeksyon.
Mahigpit naman niyang ipinagbabawal ang pagtatandok o ang pagsipsip sa snake bite at hindi ito epektibo dahil sa maaari rin nitong mabigyan ng lason ang nagsasagawa nito.
Hindi rin pinatotohanan ni Dr. Bobis ang pagpapainom ng dagta sa pasyente at wala itong ebidensya ng pag-aaral.
Nagpaalala naman si Dr. Bobis, na agad dalhin sa ospital ang pasyente upang agaran din mabigyan ng anti-venom antidote na tanging gamot sa kagat ng ahas sapagkat mabilis ang pagkalat nito.










