Dagupan City – Nabigo na makapasok sa Top 31 ng Miss Universe Philippines 2026 ang kinatawan ng San Carlos City, Pangasinan na si Rose Ann Albania, ngunit nananatili itong determinado na ipagpatuloy ang kanyang laban sa kompetisyon.
Ayon kay Albania, bagama’t hindi siya natawag sa naturang yugto, hindi nito mapipigilan ang kanyang pangarap.
Sa halip, mas lalo pa umano siyang pinatatag ng karanasang ito upang humarap sa susunod na pagkakataon, kabilang ang wildcard round ng patimpalak.
Iginiit din ng kandidata ang kanyang pagmamalaki bilang isang tunay na anak ng Pangasinan.
Aniya, dala niya ang kultura, tradisyon, at lakas ng bawat Pangasinense sa bawat hakbang na kanyang tinatahak, lalo na para sa mga kabataang patuloy na nangangarap.
Dagdag pa niya, ang kanyang naging desisyon na sumugal sa nakaraang round ay nagbukas ng mas malalim na pananaw na ang kanyang paglalakbay ay higit pa sa isang sandali lamang. Hindi aniya nangangahulugan ng kabiguan ang hindi pagpasok sa naturang cut.
Sa kabila nito, nagpasalamat si Albania sa patuloy na suporta ng kanyang mga tagasuporta at hinikayat ang publiko na ipagpatuloy ang kanilang paniniwala sa kanya, dahil hindi pa aniya tapos ang laban.










