DAGUPAN CITY—Nagbabala si Law Expert na si Atty. Joey Tamayo hinggil sa patuloy na pagdami at paghusay ng mga online scam kasabay ng modernisasyon ng komunikasyo.

Ayon kay Tamayo, habang nagiging moderno ang komunikasyon, nagiging mas sopistikado rin ang mga manloloko lalo na sa larangan ng cyber communication.

Pinayuhan ni Tamayo ang publiko na tiyakin ang pagkakakilanlan ng kausap, lalo na kung may kinalaman sa pera, gaya ng paggamit ng video call upang makumpirma ang identidad.

--Ads--

Ipinaliwanag din niya na may umiiral na batas laban sa financial account scamming, kung saan ang mga mapapatunayang nagkasala ay maaaring makulong ng anim hanggang walong taon at pagmultahin ng ₱100,000 hanggang ₱500,000. Maaari ring ipasara ang anumang financial account na ginagamit sa panloloko.

Tinukoy rin niya ang “pyramiding” bilang isang uri ng panloloko kung saan hinihikayat ang mga tao na mag-invest kapalit ng pangakong mataas na kita na hindi naman natutupad.

Kung mabiktima ng scam, agad na i-report ang insidente sa PNP o NBI upang matunton ang mga salarin. Dagdag niya, maaaring papanagutin ang taong nakatanggap ng pera dahil natutukoy ang kanilang pagkakakilanlan sa mga financial account.

Nagbigay rin siya ng babala laban sa mga scam na humihingi ng personal na impormasyon gaya ng email, birthday, address, at bank details, lalo na kung galing sa hindi kilalang tao. Binigyang-diin niyang hindi dapat ibinibigay ang mga sensitibong impormasyong ito.

Nilinaw rin niya na ang mga lehitimong kaso ay hindi ipinapaalam sa pamamagitan ng text o email, kundi sa pamamagitan ng opisyal na proseso gaya ng pagsisilbi ng demanda ng sheriff.

Binalaan din ang publiko laban sa mga mensaheng may kasamang link na maaaring magdulot ng pagnanakaw ng personal na data kapag na-click. Pinayuhan ang lahat na maging mapanuri, i-double check ang mga kahina-hinalang mensahe, at kumonsulta sa mga awtoridad tulad ng cybercrime units ng PNP.

Nanawagan si Tamayo ng ibayong pag-iingat sa anumang transaksyon na may kinalaman sa pera gamit ang internet, cellphone, at social media.