Ipinapatupad na ng Dagupan City Police Office ang mas mahigpit na pagbabantay laban sa ilegal na karera ng sasakyan lalo na sa mga bypass road ng lungsod,
Ito ay alinsunod sa direktiba ng City Director at ng utos ni Gobernador Guico sa kapulisan ng Pangasinan sa kanyang nakaraang State of the Province Address.
Ayon kay PCapt. Jayson Santiago, Acting Unit Chief ng City Operations Management Unit ng DCPO, na kasama sa mga hakbang ang pagpapalakas ng presensya ng pulisya, mas madalas na checkpoint, at agarang pagresponde sa mga ulat ng ilegal na karera para maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaayusan sa kalsada.
Mula Enero 1, 2025 hanggang sa kasalukuyan, naitala na ang 184 na insidente ng vehicular traffic incident sa lungsod ng Dagupan.
Bagama’t wala pang naitalang insidente ng ilegal na karera sa kasalukuyan, patuloy itong minomonitor ng kapulisan.
Upang mapaigting ang pagbabantay, nagsasagawa naman ang pulisya ng mas pinahusay na night patrol operations, paglalagay ng checkpoint sa mga estratehikong lugar, at paggamit ng intelligence monitoring.
Mayroon din namang mga pulis na nakatalaga sa mga lugar na posibleng pagdausan ng karera tulad ng Old De Venicia Road at New De Venicia Road.
Nakikipag-ugnayan din ang kapulisan sa mga barangay na sakop ng bypass roads, pati na rin sa Land Transportation Office (LTO) at iba pang ahensya sa pamamagitan ng mga pulong, magkakasamang operasyon, at pagbabahagi ng impormasyon.
Binigyang-diin na mahalaga ang kooperasyon ng mga ahensya para maging mas epektibo ang pagpapatupad ng batas.
Saad pa nito na ang mga mahuhuli sa ilegal na karera ay maaaring harapin ang mga kasong reckless driving, paglabag sa RA-4136, at iba pang lokal na ordinansa.
Maaari pa silang pagmultahin, mapakulong, mawalan ng lisensya, o maimpound ang kanilang sasakyan.
Samantala, binibigyang-diin ng PNP Dagupan na ang ilegal na karera ay hindi lamang labag sa batas kundi nagdudulot din ng panganib sa buhay.
Dahil dito, hinihikayat ang lahat na maging responsable sa paggamit ng kalsada, sumunod sa mga batas trapiko, at makipagtulungan para panatilihing ligtas ang mga lansangan ng Dagupan.










