DAGUPAN CITY—Pinuna ng Bantay Bigas ang umano’y mabagal na tugon ng pamahalaan sa epekto ng oil price shock sa sektor ng agrikultura, kasunod ng isinagawang pagdinig sa Senado.

Ayon kay Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, bagamat pinangunahan ni Sen. Francis Pangilinan ang isang “whole-of-nation approach” na pagpupulong kasama ang Department of Agriculture, tila huli na ang aksyon ng gobyerno kahit mahigit isang buwan nang ramdam ang epekto ng krisis dulot ng tensyon sa Middle East.

Ibinahagi ni Estavillo na kabilang sa mga inilatag ng DA ay ₱100 milyon para sa ayuda at oil subsidy—₱5,000 para sa fuel at ₱3,200 para sa mga magsasaka—ngunit kinuwestyon ito sa Senado dahil sa kaliitan kumpara sa aktwal na gastos sa produksyon.

--Ads--

Dagdag pa niya, may mas malalaking pondong maaaring gamitin tulad ng bilyun-bilyong budget ng DA at iba pang hindi nagamit na pondo, subalit hindi pa ito agad naipapamahagi.

Giit ng grupo, kinakailangan ng mas matinding intervention, kabilang ang ₱50,000 production subsidy kada magsasaka upang matiyak na makapagtatanim at hindi babagsak ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Binigyang-diin din ni Estavillo na ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na maaari umabot sa ₱200 kada litro ng diesel, ay may domino effect sa presyo ng abono, pesticide, at transportasyon—na lalo pang magpapahirap sa mga magsasaka.

Babala pa niya na kung hindi agad kikilos ang pamahalaan, posibleng bumaba ang food production at humantong sa kakulangan ng pagkain sa bansa, lalo na’t umaasa rin ang Pilipinas sa imported na agricultural inputs.

Nanawagan ang Bantay Bigas sa gobyerno na kontrolin ang presyo ng langis at farm inputs, at tiyakin ang agarang suporta sa mga magsasaka upang maiwasan ang krisis sa pagkain.