DAGUPAN CITY- Nagpaalala ang Department of Health (DOH) Region I sa publiko ng pag-iingat ngayong talamak ng heat-related illnesses.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region I, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, partikular na sa kanilang binabantayan ay ang mga kaso ng heat exhaustion at heat stroke.
Aniya, nakakaranas ng pagkahilo, labis na pagpapawis, pagsusuka, at muscles cramps ang mga tao na nakakaramdam ng heat exhaustion dulot ng matinding init.
Habang ang heat stroke ay ang pagkawala na ng malay at ang pagtaas ng temperatura ng katawan, gayundin sa pagsusuka at malakas na pulso.
Upang maiwasan ito, maiging manatili na lamang sa loob ng bahay sa pagitan ng Alas-10 ng umaga hanggang Alas-3 ng hapon lalo na kung hindi mahalaga ang pupuntahan.
Kung kinakailangan naman, magdala ng inuming tubig at magsuot ng light-colored material at komportableng damit.
Hindi rin dapat mawala ang panangga sa sikat ng araw, tulad ng payong.
Samantala, pinag-iingat din ng ahensya ang publiko sa kaso ng food poisoning dulot ng pagkapanis ng pagkain.
Ani Dr. Bobis, tiyakin na malinis ang pinagmumulan ng pagkain at inumin.
At kung sakaling makaranas ng food poisoning, mahalagang agad magpasuri sa malapit na ospital upang mabigyan ng agarang atensyong medikal.










