Dagupan City – Ipinagpaliban muna ang kapistahan ng Barangay Bued sa bayan ng Calasiao bilang tugon sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng patuloy na krisis sa Gitnang Silangan.

Sa halip na magdaos ng tradisyonal at magarbong selebrasyon, nagpasya ang Barangay Bued Council na ilaan ang pondo na sana’y gagastusin sa kapistahan para bumili ng bigas na ipamamahagi sa mga residente, bilang direktang tulong sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Tinatayang higit 2,000 pamilya ang nakatanggap ng tig-5 kilo ng bigas. Ayon sa opisyal ng barangay, bagama’t simple ang hakbang, malaking tulong ito sa mga kababayan upang matiyak na may sapat silang pagkain sa kanilang mga hapag.

--Ads--

Mas praktikal umano ito at makabuluhan ang ganitong paraan kaysa sa pansamantalang kasiyahan ng isang magarbong selebrasyon, sapagkat ang pondo ay direktang nakatugon sa pangunahing pangangailangan ng mga pamilya sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin.

Bahagi rin ito ng paraan upang tulungan ang mga residente na maging handa sa mga gastusin sa araw-araw, at hikayatin ang komunidad na magtipid at magplano sa kanilang pang-araw-araw na konsumo.