Nagpahayag ng matinding pagkadismaya ang Alliance of Concerned Teachers (ACT), kaugnay sa ipatutupad na 3-term school calendar para sa School Year 2026–2027.
Sa panayam kay Ruby Bernardo National Chairperson ng nasabing grupo, iginiit niya na kulang sa malawakang konsultasyon ang naturang polisiya, na aniya’y dapat sana’y isinangguni hindi lamang sa mga guro kundi pati sa mga magulang at estudyante.
Ayon sa lider, hindi sapat ang simpleng pagbabago ng school calendar upang solusyunan ang mga suliranin sa edukasyon.
Aniya, ang ugat ng problema ay ang matagal nang kakulangan sa pondo o “chronic underfunding” sa sektor.
Binanggit niya ang kakulangan sa silid-aralan, guro, at learning materials bilang pangunahing hamon.
Sa datos aniya ng mga pag-aaral, umaabot sa 165,000 ang kakulangan sa classrooms sa bansa, at tinatayang aabot pa ito sa 250,000 dahil sa mga sira o hindi na magamit na pasilidad.
Ipinunto rin ni Bernardo na ang pagbabagong ito ay hindi sapat upang matugunan ang kakulangan sa school days, na siyang dahilan umano ng Department of Education sa pagpapatupad ng bagong sistema.
Para sa ACT, mas mahalagang tugunan ang kakulangan sa pasilidad at suporta kaysa baguhin ang istruktura ng academic calendar.
Sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin, sinabi ni Bernardo na lalo ring nahihirapan ang mga guro sa kanilang araw-araw na gastusin, kabilang ang pamasahe at iba pang pangangailangan sa pagtuturo.
Dahil dito, nanawagan ang grupo ng dagdag na benepisyo tulad ng pagtaas ng personal economic relief allowance (PERA) upang makatulong sa kanilang kabuhayan.
Sa kabila ng pag-apruba ng polisiya, sinabi ni Bernardo na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Department of Education at maging sa Malacañang upang muling pag-aralan ang implementasyon nito.










