Nais ni Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon na alamin ang buong kuwentong bumabalot sa akusasyon ni Ramil Madriaga kay Atty. Ryan Rey Quilala.
Si Quilala ay nagsisilbi bilang assistant special prosecutor sa Office of the Ombudsman at inakusahan ni Madriaga na umano’y gumamit sa kaniyang impluwensiya para matulungan si Vice President Sara Duterte na makakuha ng pasadong grado sa Bar exam.
Ayon kay Ridon, nakakapagtaka kung bakit hindi pa pinapasinungalingan ni Quilala ang akusasyon ni Madriaga gayong naglabas na rin ng pahayag si VP Sara.
Nais marinig ng mambabatas kung ano ang tunay na naging papel ni Quilala sa pamilya Duterte lalo at sa naunang statement ni VP Sara aniya ay hanggang sa lebel lamang ni Quilala ang inaabot ni Madriaga.
Mahalaga aniyang malaman kung paano napasama si Quilala sa grupo ni VP Sara hanggang sa panahong si Madriaga ay nasangkot sa kidnapping activities.
Ang naturang koneksiyon ay mahalaga aniya para matukoy kung may mga kuwestyunableng transaction ang pangalawang pangulo habang susuportahan din nito ang mga naunang testimoniya ni Madriaga.
Dapat din aniyang malaman kung paano nagkasama sina Madriaga at Quilala sa campaign trail ni VP sara.
Kung maalala, matapos ang kontrobersiyal na testimoniya ni Madriaga nitong nakalipas na linggo ay pinadalhan na rin ng Office of the Ombudsman ng show-cause order si Assistant Special Prosecutor Quilala.
Pinagpapaliwanag ang abogado dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa ilang irregular activities.










