Dagupan City – Nilinaw ng pamahalaang Bayan ng Bayambang ang kumakalat na maling impormasyon sa social media hinggil sa umano’y pamimigay ng ₱10,000 ayuda sa mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na apektado ng kasalukuyang digmaan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, walang umiiral na programang pinansyal na nagbibigay ng nasabing halaga para sa naturang layunin, at itinuring itong ganap na walang katotohanan.

Sa kabila nito, iginiit ng LGU Bayambang na patuloy itong nakahandang makipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW) upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga OFW, partikular sa usapin ng repatriation at rescue operations.

--Ads--

Hinimok din ng pamahalaang bayan ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita online at tiyaking mula lamang sa opisyal na sanggunian ang kanilang pinaniniwalaan.