Tiniyak ng gobyerno ng Iran na nananatiling bukas para sa pandaigdigang kalakalan ang Strait of Hormuz, maliban na lamang sa mga sasakyang pandagat na pagmamay-ari ng Estados Unidos at Israel.

Ibinasura ni Iranian Foreign Minister Abbas Araghchi ang mga pangamba na tuluyan na nilang isinara ang nasabing lagusan.

Ayon sa opisyal, tanging ang mga oil tanker at iba pang barko ng kanilang mga itinuturing na kalaban ang mahigpit na pinagbabawalang bumiyahe sa nasabing karagatan.

--Ads--

Pinahihintulutan pa rin aniyang dumaan ang lahat ng iba pang klase ng barko na walang kinalaman sa kanilang mga katunggali.

Ang Strait of Hormuz ay isang kritikal na ruta sa karagatan kung saan dumadaan ang tinatayang 20 porsyento ng supply ng langis sa buong mundo na nagmumula sa Gulf region.

Matatandaang bago ang paglilinaw na ito, ilang insidente na ng pambobomba sa mga barko ang naitala sa nasabing karagatan sa gitna ng umiigting na tensyon sa rehiyon.

Kabilang na rito ang pag-atake sa isang vessel ng Thailand, na kalaunan ay iginiit na walang anumang partisipasyon o kinalaman sa nagaganap na giyera.