DAGUPAN CITY- Nagpapaalala ang mga eksperto na ang glaucoma ay sakit sa ugat ng mata na unti-unting sumisira at maaaring magdulot ng permanenteng pagkabulag.
Hindi tulad ng katarata na maaaring maayos sa pamamagitan ng operasyon, ang glaucoma ay irreversible at wala talagang lunas.
Dahil dito, binibigyang-diin ang kahalagahan ng maagang detection upang maprotektahan ang paningin ng pasyente.
Ayon kay Dr. Patricia Concepcion, ophthalmology, Ilocos Training and Regional Medical Center, inirerekomenda na magsimula ang mga indibidwal na magpa-checkup sa edad na 40, kahit wala pang sintomas.
Mas mainam din aniya na mas maagang magpakonsulta kung may family history ng pagkabulag o may iba pang risk factors tulad ng diabetes, aksidente sa mata o ulo, at iba pang kondisyon. Ipinaliwanag niya na ang glaucoma ay kadalasang asymptomatic at una itong naaapektuhan sa peripheral vision, kaya marami ang hindi napapansin hanggang sa malala na ang kondisyon.
Dagdag pa ni Dr. Concepcion, delikado ang paggamit ng mga patak o gamot sa mata na nag-aangking panlunas sa lahat ng uri ng sakit sa mata, at hindi lahat ng vitamins o supplements ay kapaki-pakinabang para sa lahat ng pasyente.
Ayon sa mga eksperto, mahalaga pa rin ang konsultasyon sa ophthalmologist upang matukoy ang tamang gamutan para sa bawat partikular na kondisyon ng mata.










