Ipagpapatuloy ng ICI-Technical Working Group for Asset Recovery ang pagbawi sa mga nakaw na pondo at ari-arian mula sa mga sangkot sa maanomaliyang flood control projects.

Ito ay kahit pa magtatapos na ang operasyon ng mismong Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Marso 31, 2026.

Ayon kay ICI-Technical Working Group chairperson USec. Renato “Aboy” Paraiso, hindi pa nakatanggap ang grupo ng pormal na anunsiyo o direktiba mula sa komisyon partikular na mula mismo sa chairman nito na si retired Justice Andres Reyes Jr. na nagrekomendang tapusin na ng komisyon ang mga operasyon nito.

--Ads--

Subalit, nauna nang nagpahayag ng suporta kapwa ang Office of the Ombudsman at Office of the Solicitor General para sa papapatuloy ng technical working group para sa pagrekober sa mga nakamal na asset.

Ayon kay USec. Paraiso, mayroon na silang natukoy na mga mekanismo na magbibigay daan sa gobyerno para marekober ang mga asset na umano’y konektado sa maanomaliyang proyekto.

Bagamat nangangailangan ng malawakang imbestigasyon ang proseso at pagtunton kung saan inilipat ang naturang mga asset, naniniwala si USec. Paraiso na mayroon nang nagawang progreso ang grupo.

Base sa pinakabagong datos na natalakay sa kanilang pagpupulong, umabot na sa P4.8 billion ang halaga ng mga narekober at na-freeze na assets.