DAGUPAN CITY—Nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers-Philippines sa pamahalaan na agarang dagdagan ang Personal Economic Relief Allowance (PERA) ng mga guro upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin. Ayon kay Ruby Bernardo, matagal nang nananatili sa ₱2,000 ang naturang allowance sa loob ng halos 18 taon, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa.

Sinabi ng grupo na mahalagang mapataas ang allowance upang maramdaman ng mga guro na may konkretong hakbang ang pamahalaan sa pagbibigay-prayoridad sa sektor ng edukasyon. Binigyang-diin din nila na ang patuloy na pagtaas ng inflation ay nagpapahirap sa mga guro na matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Dagdag pa ng organisasyon, posibleng lalong maapektuhan ang presyo ng mga bilihin dahil sa kasalukuyang tensyon at digmaan sa Gitnang Silangan na may direktang epekto sa presyo ng langis. Kapag tumaas ang presyo ng fuel, inaasahang susunod ding tataas ang presyo ng iba pang produkto sa lokal na merkado.

--Ads--

Kasabay nito, nakikiisa rin ang grupo sa panawagan ng iba pang sektor na alisin ang value-added tax at fuel excise tax sa ilang mahahalagang produkto upang mabawasan ang dagdag-pasanin sa mga mamamayan.

Hiniling din ng grupo na ibalik ang ₱43 bilyon na pondo mula sa unprogrammed funds ng 2026 national budget na na-veto, at ilaan ito para sa pagtaas ng Economic Relief Allowance ng mga guro at iba pang kawani sa sektor ng edukasyon.

Sa huli, iginiit ng organisasyon ang patuloy na panawagan para sa mas mataas na sahod na sapat sa pang-araw-araw na pangangailangan, pagtaas ng PERA, at pagbawas sa mga buwis na matagal nang nagpapabigat sa karaniwang Pilipino, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin na dulot ng kasalukuyang sitwasyon sa pandaigdigang ekonomiya.