Nasawi ang isang senior citizen matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Sapinit, San Carlos City kamakailan na nagsimula umano sa isang kapilya at mabilis na kumalat sa mga kalapit na bahay.
Batay sa paunang impormasyon, nagsimula ang apoy sa loob ng isang kapilya sa naturang barangay bago ito kumalat sa katabing ancestral house.
Nadamay din sa sunog ang ilang mga sasakyan na nakaparada sa kasunod na bahay.
Sa gitna ng insidente, nasawi ang isang senior citizen na nakatira sa loob.
Ayon sa kanyang kapitbahay, matagal nang bed ridden ang biktima kaya hindi na ito nakalabas nang kumalat ang apoy.
Ikinuwento naman ng isang saksi sa mga awtoridad na bago sumiklab ang sunog ay may pumasok umano sa kapilya na naglalaro ng apoy.
Kalaunan ay nadatnan ng mga awtoridad ang naturang indibidwal at agad itong dinala sa kustodiya para sa imbestigasyon.
Sa ngayon ay wala pang pahayag ang hinihinalang nag-umpisa ng sunog habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang sanhi ng insidente at ang lawak ng pinsalang idinulot nito sa mga ari-arian sa lugar.










