Nagbabala ang labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU) na lalong mabibigatan ang mga manggagawang Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Jerome Adonis, chairperson ng KMU, na direktang nararamdaman ng mga manggagawa ang epekto ng paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Adonis, malaki ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa ekonomiya ng Pilipinas dahil nakadepende ang maraming sektor ng bansa sa imported na langis.

--Ads--

Dagdag pa niya, kasunod ng tensyon at digmaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, mabilis umanong ginamit ng mga kumpanya ng langis ang sitwasyon upang magpatupad ng sunod-sunod na taas-presyo.

Sa ilang lugar sa Metro Manila, umaabot na umano sa halos ₱75 kada litro ang presyo ng langis.

Ipinaliwanag ni Adonis na kada pagtaas ng presyo ng langis ay agad ding sumusunod ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Dahil dito, aniya, lalong nahihirapan ang mga pamilyang manggagawa na pagkasyahin ang kanilang kita para sa pagkain, pamasahe at iba pang gastusin sa bahay.

Ayon sa KMU, kung aalisin ang VAT at excise tax sa langis, posibleng bumaba ng hanggang ₱13 kada litro ang presyo nito.

Iginiit din ni Adonis na hindi dapat ipagkait ang umento sa sahod ng mga manggagawa sa kabila ng krisis sa pandaigdigang merkado.

Inihain ng grupo ang panukalang ₱1,200 na family living wage kada araw upang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang Pilipino.

Sa huli, hinikayat ni Adonis ang mga manggagawa at mamamayan na ipahayag ang kanilang hinaing at magkaisa upang igiit ang mga panawagang makakatulong sa sektor ng paggawa.