Dagupan City – Nanawagan ng pagkakaisa, panalangin, at agarang pagkilos ang isa sa mga kinilalang Outstanding Alumni ng University of the Philippines School of Economics sa nakalipas na 50 taon, kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na may epekto sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Atty. Oscar Orbos, isa sa mga outstanding alumni of the UP school of Economics, mahalagang harapin ng bansa ang sitwasyon nang walang bahid sa pulitika.
Aniya, ang kasalukuyang krisis sa presyo ng langis na bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan ay dapat tugunan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng sambayanan.
Dito na niya binigyang na ang pinakamagandang magagawa ng taumbayan ay magdasal at kumilos bilang isang bansa.
Binigyang-diin din ni Orbos na sa panahon ng krisis, mahalaga ang ugnayan at pagtutulungan ng bawat isa upang may masasandalan ang mamamayan.
Samantala, hinggil naman sa usapin ng emergency powers, sinabi niyang may likas na kapangyarihan na ang mga opisyal ng pamahalaan upang tumugon sa ganitong sitwasyon.
Ngunit kung kinakailangan aniya ang karagdagang kapangyarihan upang mas mapabilis ang aksyon ng pamahalaan, dapat itong pag-aralan.
Iginiit din niya ang kahalagahan ng paggamit ng teknolohiya sa paggawa ng mga desisyon.
Aniya, may sapat na access na sa datos ang National Economic and Development Authority (NEDA) at ang Department of Finance upang makita ang tunay na kalagayan sa ground at makahanap ng mga konkretong solusyon.
Ayon pa kay Orbos, kung may ipatutupad na ayuda ang pamahalaan, kailangang malinaw ang layunin at nakatuon sa sektor na higit na maaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Bagama’t hindi agad nararamdaman ang epekto nito sa mamamayan, sinabi niyang mahalagang magkaroon ng mga paraan upang mabawasan ang negatibong epekto at maiwasan ang pagsasamantala sa presyo.










