Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection Dagupan sa publiko na paigtingin ang pag-iingat laban sa sunog ngayong Fire Prevention Month, matapos makapagtala ng apat na structural fire at dalawang vehicular fire sa lungsod bago pa man sumapit ang buwan ng Marso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni FCINSP Jhun Eland Wanawan, City Fire Marshal, na kabilang sa mga naitalang insidente ang pagkasunog ng isang modernized jeep sa harap ng isang unibersidad sa lungsod.
Ayon kay Wanawan, ang Marso ay nagsisilbing transisyon mula sa hanging amihan patungo sa tag-init, kung kailan mas umiinit ang panahon at natutuyo ang kapaligiran mga kondisyong nagpapataas ng posibilidad ng sunog.
Aniya, kahit maliit na baga ay maaaring tangayin ng hangin at magdulot ng mabilis na pagkalat ng apoy, lalo na sa mga tuyong damo at madaling magliyab na materyales.
Binanggit din ng opisyal na nananatiling pangunahing sanhi ng sunog sa lungsod ang electrical-related incidents.
Kabilang dito ang paggamit ng “octopus connection” o sobrang daming nakasaksak sa iisang outlet, mga napapabayaang kandila, kagamitang nakasaksak ngunit hindi ginagamit, at mga nilulutong naiiwanan.
Nagbabala rin siya laban sa overcharging ng gadgets at paggamit ng substandard na chargers at electrical devices.
Ipinaliwanag niyang kahit nakasaksak lamang ang charger at walang nakakabit na gadget ay maaari pa rin itong mag-generate ng init na posibleng magdulot ng sunog, lalo na kung nakadikit sa mga madaling magliyab na bagay.
Pinayuhan naman niya ang publiko na tiyaking pasado sa pamantayan ng Department of Trade and Industry ang mga binibiling appliances at kagamitang elektrikal.
Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Fire Prevention Month, magsasagawa ang BFP Dagupan ng motorcade upang palakasin ang kamalayan ng publiko.
Magkakaroon din ng fire safety demonstrations sa kanilang tanggapan kung saan tuturuan ang mga kabataan ng tamang paggamit ng fire extinguisher at ipapakita ang mga kagamitan sa pagsugpo ng sunog.










