Maaaring humarap ang Pilipinas sa panibagong bugso ng pagtaas ng presyo ng langis, paghina ng piso, at posibleng pagbawas ng remittances ng mga OFW kung magtatagal at lalawak ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sa panayam kay Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation iginiit na ang krudo ang pangunahing daluyan ng agarang epekto sa ekonomiya ng bansa at kapag naipit ang suplay, diretsong tatama ito sa bulsa ng bawat Pilipino.
Ayon kay Africa, may banta na maantala ang daloy ng langis sa Strait of Hormuz isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng krudo kung saan dumaraan ang malaking bahagi ng oil exports mula sa rehiyon.
Kung lalala pa ang sigalot at masira hindi lamang ang shipping routes kundi maging ang mismong oil rigs at pasilidad, inaasahang lalo pang sisirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Bilang bansang umaangkat ng halos lahat ng pangangailangan nitong petrolyo, mabilis na mararamdaman ng Pilipinas ang epekto nito sa presyo ng gasolina at diesel, pamasahe, kuryente, at mga pangunahing bilihin.
Babala ng grupo, kapag tumaas ang gastos sa transportasyon at produksyon, tataas din ang presyo ng pagkain at serbisyo, na lalo lamang magpapabigat sa mga pamilyang mababa ang kita.
Maaari rin aniyang maapektuhan ang halaga ng piso kung magkaroon ng mas malawak na pandaigdigang krisis, na magreresulta sa dagdag-gastos sa pag-angkat ng mga produkto.
Maliban sa langis, isa pang sensitibong usapin ang kalagayan ng mahigit 2.1 milyong overseas Filipinos sa Gitnang Silangan o isa sa bawat limang OFW sa buong mundo.
Tinatayang umaabot sa humigit-kumulang $6.5 bilyon kada taon ang kanilang naipapadalang remittances sa Pilipinas.
Kung panandalian lamang ang tensyon, sinabi ni Africa na malamang hindi agad maapektuhan ang padala ng pera.
Subalit kung ito ay tatagal ng ilang buwan hanggang isang taon, posibleng bumaba ang deployment ng mga bagong OFW at lumiit ang remittances na inaasahan ng ekonomiya.










