Magsasagawa ng dalawang araw na nationwide transport strike ang grupong PISTON sa Setyembre 29 at 30 dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay PISTON National President Mody Floranda, tinatayang nasa 70,000 hanggang 100,000 jeepney driver at operator ang inaasahang lalahok sa tigil-pasada.

Sinabi ni Floranda na isasabay nila ang protesta sa inaasahang panibagong oil price hike na aniya ay maaaring umabot sa mahigit Php 10 kada litro.

--Ads--

Kabilang sa kanilang mga panawagan ang pagtanggal sa VAT at excise tax sa produktong petrolyo, pagbaba ng presyo ng langis sa Php 55 kada litro, at pagpapawalang-bisa sa Oil Deregulation Law.

Nanawagan din ang grupo para sa living wage para sa mga manggagawa sa sektor ng transportasyon.

Samantala, nagpahayag din ng suporta sa protesta ang labor group na Kilusang Mayo Uno (KMU), gayundin ang iba pang progresibong grupo.