Inihayag ng pamunuan ng Alliance United Transport Organization Provincewide (AUTOPRO) na posibleng maapektuhan ang sektor ng transportasyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo bunsod ng umiigting na tensyon sa Middle East.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Bernard Tuliao, Presidente ng AUTOPRO, na bagamat malayo ang Pilipinas sa mga bansang sangkot sa sigalot tulad ng Iran at Israel, hindi maiiwasan ang epekto nito sa lokal na merkado ng langis.

Ayon kay Tuliao, ang pandaigdigang suplay ng langis ay direktang naaapektuhan ng anumang kaguluhan sa Middle East, na siyang pangunahing pinanggagalingan ng langis sa buong mundo.

--Ads--

Kapag nabawasan ang suplay o nagkaroon ng pangamba sa produksyon at distribusyon, agad itong nagreresulta sa pagtaas ng presyo sa pandaigdigang merkado na kalaunan ay nararamdaman din sa Pilipinas.

Dahil dito, aminado si Tuliao na napipilitan ang ilang grupo sa transportasyon na pag-aralan ang posibilidad ng paghahain ng petisyon para sa taas-pasahe.

Aniya, kapag tuluy-tuloy ang pagtaas ng diesel at gasolina, mahihirapan ang mga tsuper na mapanatili ang kanilang arawang boundary at kita.

Gayunman, nilinaw ng lider-transport group na wala pang pormal na petisyon sa kasalukuyan, ngunit nakahanda silang kumilos sakaling magpatuloy ang oil price hike sa mga susunod na linggo.

Nanawagan din ang AUTOPRO sa pamahalaan na maglatag ng agarang tulong para sa sektor ng transportasyon, kabilang ang subsidiya sa krudo o fuel discount program para sa mga public utility drivers.

Sa ngayon, patuloy umanong minomonitor ng kanilang organisasyon ang galaw ng presyo ng langis at ang mga kaganapan sa Middle East na maaaring magdulot pa ng panibagong pagtaas sa produktong petrolyo.