Nagbigay ng pahayag si Basista Mayor Jolly Resuello hinggil sa kahilingan ng pamilya ng yumaong OFW na si Mary Anne Velasquez De Vera sa nangyayaring kaguluhan sa Israel.

Ayon sa alkalde, nais ng pamilya na gawing pribado ang kanilang pagdadalamhati at ayaw na isapubliko kaya nagpadala ito ng mga pulis at barangay officials para magbantay sa kanilang tahanan para mapangalagaan ang kanilang privacy.

Saad nito na sa pakikipag-ugnayan niya sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ipinaliwanag niya na nais ng pamilya na mapabilis ang proseso sa pagpapauwi sa labi ni Mary Anne, kasama na ang kaniyang asawa at kapatid na nagtatrabaho din sa nasabing bansa.

--Ads--

Nakipag-koordinasyon din siya sa mga kasamahan nito sa LGU at iba pang ahensya upang maglatag ng mga hakbang na makakatulong sa pamilya.

Dahil dito, nakatakdang pagpasa ng resolusyon ang lokal na pamahalaan upang magbigay ng tulong pinansyal at pagbibigay dalamhati sa pamilya ng OFW.

Hinihikayat rin nila ang publiko na maging maingat sa mga impormasyong lilitaw sa social media upang maiwasan ang dagdag na stress sa pamilya, at inatasan ang kapulisan na mag-monitor upang mapanatili ang kapayapaan sa paligid ng pamilya.

Inihayag ni Mayor Resuello ang pangako ng national government, sa pangunguna ni Pangulong Marcos, na gagawin ang lahat upang maiuwi ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Israel para di na madagdagan pa ang naging kaswalidad ng ating mga kababayan.

Samantala, patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamilya upang maibigay ang suporta habang pinangangalagaan ang kanilang emosyonal na kalagayan.