Dagupan City – Nanawagan ang Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG sa pamahalaan na agarang bawasan ang pag-aangkat ng baboy upang maprotektahan ang kabuhayan ng mga lokal na hog raisers.
Ayon kay SINAG chairman Rosendo So, ang pagdagsa ng murang imported na pork ay nagpapabagsak sa presyo sa merkado, kaya’t maraming magbababoy ang nalulugi at nawawalan ng ganang magparami muli ng alagang hayop.
Hiniling ng grupo na ibaba ang target na pork imports ngayong taon mula walong daan at limampung libong metriko tonelada tungo sa limang daan at limampung libong metriko tonelada lamang, dahil umano sa sobra-sobrang suplay sa mga cold storage.
Ani So, ang imported na dressed pork ay naibebenta lamang sa halagang 80 hanggang 100 piso kada kilo, at 120 piso para sa mas magagandang hiwa. Samantala, ang lokal na baboy ay umaabot sa mahigit 200 piso kada kilo kapag kinatay—mas mababa pa umano ito sa aktuwal na gastos sa produksyon.
Dagdag pa ng SINAG, dapat ding ibalik ang mas mataas na taripa sa pork imports, mula sa kasalukuyang 15 hanggang 25 porsiyento, pabalik sa 30 hanggang 40 porsiyento upang mas maprotektahan ang lokal na industriya.
Batay sa datos, nasa 1.58 milyong metriko tonelada ang taunang konsumo ng baboy sa bansa, habang 1.06 milyong metriko tonelada lamang ang lokal na produksyon. Gayunman, umabot pa rin sa mahigit 851,000 metriko tonelada ang inangkat noong nakaraang taon na nagdulot umano ng labis na suplay.
Dahil dito, hinimok ng SINAG ang Department of Agriculture at iba pang ahensiya ng gobyerno na repasuhin ang import quota at taripa upang masuportahan ang mga lokal na magbababoy at maibalik ang sapat na suplay mula sa sariling produksyon.
Matatandaan na nagkaroon ng Summit ang SINAG at iba pang agriculture sectors katuwang ang Department of Agriculture kamakailan.










