DAGUPAN CITY—Mababa pa ang bilang ng mga kabataan ng Alcala na nagpapa-rehistro bilang botante sa taong ito, at nagbababala ang COMELEC na huwag ipagpaliban ang pagpaparehistro upang matiyak ang sapat na bilang ng botante bago ang deadline.
Ayon kay Roberto Pagdangan, Election Officer III ng COMELEC Alcala, umabot lamang sa 343 ang bilang ng mga indibidwal na nagpaparehistro mula Enero 2026 hanggang sa kasalukuyan. Malayo pa ito sa inaasahang limang porsyento ng kabuuang 31,253 na target nilang kabuuang rehistradong botante.
Isa sa mga dahilan ng mababang pagpaparehistro, ayon kay Pagdangan, ay ang pasok sa eskwela at mga akademikong gawain na nagpapahirap sa mga kabataan na magparehistro nang personal.
Upang mas mapadali ang proseso, patuloy ang kanilang pagtatalaga ng mga satellite registration sa iba’t ibang barangay sa munisipyo at mga paaralan.
Ipinakilala rin ni Pagdangan ang Quantum Geographic Information System o QGIS, isang preset mapping tool na ginagamit ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Sa pamamagitan nito, maaari nang gumawa ng mapa at ilagay ang kaukulang datos, na makatutulong sa mas madaling pag-alam ng mga impormasyon tulad ng voter registration, bilang ng botante, lokasyon ng polling places, at mga precinct.
Binigyang-diin din ni Pagdangan ang huling araw ng pagpaparehistro na itinakda sa Mayo 18, 2026. Hinihikayat niya ang mga kabataan na mas mabuting magparehistro nang maaga at huwag hintayin ang deadline bago bumisita sa COMELEC.










