Nakatakdang magharap sa isang exhibition bout sina Mike Tyson at Floyd Mayweather Jr. sa Abril 25, 2026 sa Democratic Republic of Congo, ayon sa mga ulat.

Gaganapin umano ang laban sa Kinshasa, na kilala sa makasaysayang “Rumble in the Jungle” noong 1974 kung saan nagharap sina Muhammad Ali at George Foreman para sa heavyweight championship.

Si Tyson, 59 anyos, ay may rekord na 50 panalo, 7 talo at 2 no contests. Huli siyang lumaban noong Nobyembre 15, 2024 laban kay Jake Paul, kung saan siya natalo via unanimous decision sa walong round.

--Ads--

Hindi na siya nanalo sa isang opisyal na laban mula noong 2003.

Samantala, si Mayweather, 48 anyos, ay nananatiling undefeated sa rekord na 50-0. Huli siyang lumaban sa exhibition match laban kay John Gotti III noong Agosto 24, 2024.

Ito na ang ikawalong exhibition fight ni Mayweather mula nang magretiro siya matapos talunin si Conor McGregor noong 2017.

Unang inanunsyo ang laban noong Setyembre 2025 ngunit walang detalye ng laban noon.

Nagkaroon pa ng agam-agam nang ianunsyo ang laban ni Mayweather kontra kay Mike Zambidis sa Greece. Gayunman, kinumpirma ni Tyson sa TMZ na kanilang itutuloy ang laban.

“Yeah, that’s happening. You think I’d give that up? I was minding my business, he challenged me!” ani Tyson.